-- Advertisements --

KALIBO, Aklan —- Naghain ng panukalang batas si Aklan 2nd District Congressman Teodorico Haresco, Jr. na naglalayung bumuo ng hiwalay na tanggapan na siyang magpapatakbo sa dalawang paliparan sa lalawigan.

Ayon kay Haresco nais niyang magtayo ng bagong Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC) upang magpatakbo sa Kalibo International Airport at Caticlan airport na kapwa dinadaanan ng mga turistang patungo sa bantog na Isla ng Boracay.

Layunin ng House Bill No. 1522 na magpatayo ng Aklan Airport Authority (AAA) na magpapatupad ng mga polisiya at programa na may international standards.

Sakaling maaprubahan, ang AAA ay magkakaroon ng kaparehong functions sa Manila International Airports Authority, Mactan Cebu International Airport Authority, at Clark International Airport Corporation.

Ang AAA ay mananatili sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr).

Naniniwala si Haresco na ang kanyang panukalang batas ay makakatulong ng malaki lalo pa at balik na sa normal ang turismo sa Boracay na kamakailan lamang ay lumampas na isang milyon ang mga naitalang turista.