Target iprayoridad ng Akbayan, na nangungunang party-list group sa partial and unofficial vote count ng katatapos na 2025 midterm elections, ang paghahain ng mga panukalang batas para mawaksan na ang kontraktwalisasyon, political dynasties at matulungan ang mga estudyante sa kolehiyo na makapagtapos sa kanilang pag-aaral.
Ayon sa second nominee ng party-list group na si Rep. Perci Cendaña, maghahain sila ng anti-endo bill sa oras na magbukas na ang 20th Congress.
Aniya, napapanahon na para magkaroon ang mga Pilipino ng katiyakang magtatagal sa kanilang mga trabaho.
Nais din ng partido na mahinto ang kahirapan lalo na sa mga batang mamamayan ng bansa sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na makatapos sa kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng Baon Bill.
Kung saan sa ilalim ng panukalang batas, nilalayon na mabigyan ang mga college students mula sa mga pamilyang dati at kasalukuyang miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng P5,000 kada buwan na allowance.
Tututukan din ng partido ang pagbalangkas ng batas para sa anti-political dynasty provision ng Konstitusyon.