Balik na sa normal ang flights ng ilang airline companies matapos ang kahindik-hindik na flight cancellations na ipinatupad magmula noong Linggo, Enero 12, 2019 nang magpakawala ng makapal na abo ang Taal Volcano.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Charo Logarto, tagapagsalita ng Cebu Pacific, sinabi nitong tuloy-tuloy na ang labas-pasok ng kanilang mga eroplano magmula nang ideklara ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang partial operations sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon.
“Nakapaglipad na po kami yesterday afternoon, unti-unti nang bumalik sa normal kahapon. This morning, normalized na po more or less ang ating in and out of Manila po,” ani Logarta.
Inaasahan aniya nila na ngayong araw o bukas ay makapag-recover na ng husto ang kanilang operasyon.
Sa mga pasahero na apektado ng flight cancellations hanggang ngayong araw, sinabi ni Logarta na makipag-ugnayan sa kanilang mga tanggapan para sa libreng rebooking sa loob ng 30 araw, full refund, o ilagay sa Trust Fund ang halaga ng kanilang ticket na maaring gamitin sa susunod na biyahe.
“Yes we had to cancel some flights that were scheduled today kasi hindi pa po nakabalik to service ng sabay-sabay ang mga eroplano natin because it is very tedious to clean and inspect each and every aircraft, alam niyo naman ho kung gaano kalaki ang isang eroplano, so it takes several hours po,” ani Logarta.
Samantala, umapela naman si Cielo Villaluna, tagapagsalita ng Philippine Airlines (PAL), ng pag-unawa sa kanilang mga pasahero ng na apektado ng delays sa local at international flights bunsod ng 180 flight cancellations na kanilang ipinatupad magmula noong Linggo hanggang kahapon.
Umaasa sila na makapag-recover ng husto ang kanilang operasyon sa susunod na linggo, pero siniguro naman ang karampatang tulong sa kanilang mga pasahero.