-- Advertisements --

Dahil daw sa double-digit growth sa bookings sa mga summer destinations, plano ngayon ng budget carrier AirAsia Philippines na mag-introduce nang mas marami pang domestic flights sa buwan ng April habang muli namang ibabalik ang ilang flights sa karatig bansa sa Asya.

Sinabi ng carrier na muli naman nilang itutuloy ang mga biyahe sa Bali, Indonesia at Bangkok, Thailand sa susunod na buwan.

Ilulunsad din nila ang rutang papuntang Dumaguete at Roxas at mag-restart ng flights sa Incheon, South Korea sa buwan ng April.

Una rito pumalo sa 24 percent ang pagtaas ng booking ng AirAsia para sa mga flights papuntang Boracay na siya ngayong top destination kasama ang Cebu, Tagbilaran (Panglao), Kalibo at Tacloban.

Siniguro naman ni AirAsia Philippines spokesperson Steve Dailisan na itutuloy nila ang inclusive at ligtas na pagbiyahe habang tuloy-tuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng mga ito sa national at local agencies para sa pagrekober ng turismo sa post-pandemic era.

Taong 2020 nang sinuspindi ng AirAsia Philippines ng tatlong buwan ang kanilang operasyon dahil pa rin sa pandemic.

Muli itong ibinalik Hunyo ng parehong taon pero limitado lamang dahil na rin sa mga travel guidelines sa flight destinations.