-- Advertisements --

Inirekominda ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda sa liderato ng Kamara ang pagbalangkas ng panukalang Taal Eruption Recovery and Rehabilitation Plan (TERRA) Firma.

Sa kanyang liham kina Speaker Alan Peter Cayetano at Majority Leader Martin Romualdez, sinabi ni Salceda na bukod sa pagbangon ay magagamit din ang planong ito sa development ng mga lugar na apektado nang pag-alburuto ng Taal Volcano kamakailan.

“This includes the creation of a reconstruction commission which shall be primary agency for implementing TERRRA Firma which could cost possibly P60-100bn,” ani Salceda.

Iginiit ng kongresista na kailangan gawing prayoridad ng Kamara ang pag-mobilize sa mga kailangang tulong ng mga distritong apektado ng Taal eruption.

Bilang may kapangyarihan naman aniya ang Kamara pagdating sa policy making, inihayag ni Salceda na dapat nang maipasa ang panukalang magtatatag Department of Disaster Resillience (DDR) bilang ang Pilipinas ay isang disaster-prone country rin naman.

Sa oras na maitatag na ang DDR, naniniwala si Salceda na mapapadali ang monitoring sa mga kalamidad, mapapabilis ang decision making, magiging mas malinaw ang direksyon at koordinasyon, magiging institutionalize ang suporta mula sa national government, at higit sa lahat ay magiging epektibo ang mobilization dahil magiging consolidated ang existing na mga ahensyang na may kaugnayan sa emergency at response.

Gayunman, bilang long-term action, kailangan aniya ng gobyerno na gamitin ng husto ang pambansang pondo para sa disaster resilience.