Binatikos online ang isang AI-generated na larawan ni US President Donald Trump kung saan siya ay nakasuot ng kasuotang pang-Papa, ilang araw bago ang pagsisimula ng conclave sa Vatican upang pumili ng bagong Santo Papa matapos pumanaw si Pope Francis noong nakaraang buwan sa edad na 88.
Makikita sa larawan si Trump na seryoso ang mukha, nakaupo sa isang marangyang upuan, suot ang puting vestments at mitra, habang nakataas ang isang daliri. Ipinost niya ito sa Truth Social, at agad namang ni-repost ng opisyal na White House account sa X (dating Twitter).
Ayon sa obispo sa New York, at pati na rin mula sa ilang mga konserbatibong grupo na tutol kay Trump, tinawag nila itong “panlalait” at “insulto sa pananampalataya” ng Simbahang Katolika.
Tumanggi namang magkomento ang Vatican sa isyu.
Nauna nang nagbiro si Trump na gusto niyang maging Papa, at binanggit si Cardinal Timothy Dolan bilang isang “magaling na kandidato”, kahit wala ito sa listahan ng mga malalakas na contender sa pagiging Santo Papa.
Sa kasaysayan, wala pang naging Papa na galing sa Estados Unidos.
Noong Pebrero, nag-post din si Trump ng AI generated image kung saan siya’y may suot na korona, kasabay ng pahayag na tapos na ang congestion pricing sa New York.
Para sa ilang tagasuporta, biro lamang ito ni Trump. Ngunit para sa maraming Katoliko, ito’y hindi nakakatawa at isang hakbang umano para bastusin ang banal na proseso ng pagpili ng bagong pinuno ng Simbahang Katolika.