-- Advertisements --

Patuloy pang lumobo ang danyos na iniwan ng pag-alburoto ng bulkang Taal sa sektor ng agrikultura sa Calabarzon.

Ayon kay Department of Agriculture Sec. William Dar, umabot na sa P3.2-billion ang pinsalang iniwan ng Taal eruption sa mga pananim at iba pang produkto ng tatlong lalawigan sa Region 4A.

Sa Batangas, higit P2-billion na halaga ng mga produkto na raw ang naapektuhan.

Pinaka-malaki rito ang sa mga high value commercial crops na nasa higit P100-milyon.

Sa Cavite naman umabot na sa higit P1-bilyon ang pinsala sa agrikultura, habang P30-milyon ang epekto sa naturang sektor ng Laguna.

Paliwanag ni Sec. Dar nakapaglabas na ng P22-milyong halaga ng ayuda ang DA para sa Batangas.

Ito’y matapos i-turnover sa provincial government.

Nilinaw naman ng kalihim na hindi cash kundi mga binhi, fertilizers at gamit sa pagtatanim ang katumbas ng ibinahaging halaga.

May P102-milyon na rin umanong indemnification fund ang nai-release para sa 12,000 ensured farmers ng lalawigan.

Sa ngayon may alok na P25,000 na pautang ang DA sa mga magsasaka at iba pang farmers sa Batangas na maaari umanong bayaran sa loob ng tatlong taon at walang tutubong interes.