BACOLOD CITY — Matapos manawagan sa pamamagitan ng Kahapon Lamang Program (KLP) ng Bombo Radyo Bacolod noong nakaraang Hulyo, magkikita na ulit ang magkakapatid na mahigit 40 taon nang walang komunikasyon.
Kinumpirma ni Editha Diaz-Bedia na tubong Binalbagan, Negros Occidental at nakatira na sa Purok Ilang-Ilang, Sultan Kudarat, na agad na nakipag-ugyan sa kaniya ang anak ng kaniyang kapatid na si Nelia Diaz-Arroz matapos marinig sa KLP ang panawagan nito.
Ayon kay Bedia, nakipag-ugnayan na rin sa kaniya ang iba pa nilang kapatid sa Mindoro, Manila at Ilocos.
Laking pasasalamat naman nito sa station manager ng Bombo Radyo Bacolod na si Bombo Mary Divine Grace M. Cuello na isa sa mga naging daan upang makontak niya ang kaniyang mga kapatid.
Samantala, napaluha ang 73-anyos na si Arroz dahil naka-kontak na sa kanila ang kanyang kapatid.
Ayon dito, matagal na nilang tanggap na patay na ang kanilang kapatid dahil hindi na ito nakauwi sa Negros Occidental matapos na pumunta ito sa Manila upang magtrabaho.
Dagdag pa ni Arroz na malaking regalo sa kaniya ng Diyos na bago pa man siya mamatay, nakakontak sa kanila si Bedia.
Nakatakdang magkita ang magkapatid sa Disyembre 18 ngayong taon sa Lungsod ng Bacolod.