Binigyang-diin ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na hindi nagkaroon ng failure of intelligence sa panig ng mga militar sa terror bombing incident sa Marawi City.
Ito ay sa kadahilanang una nang inaasahan ng kasundaluhan ang posibildad ng paglulunsad ng retaliatory attack ng mga lokal na terorista matapos ang sunud-sunod na pagkatalo ng mga ito sa pakikipag-engkwentro laban sa mga militar.
Kaugnay nito ay ipinunto rin ni Brawner na sa katunayan ay inabisuhan na rin niya ang lahat ng mga security forces at mga lokal na pamahalaan hindi lamang sa Marawi city kundi maging sa Maguindanao, Lanao del Sur, at Lanao del Norte bilang pag-iingat at paghahanda sa inaasahang paghihiganti ng naturang mga terorista.
Ngunit gayunpaman ay aminado si AFP Chief Brawner, nahirapan ang kasundaluhan na bantayan ang Mindanao State University sapagkat hindi aniya basta-basta nakapasok ang mga tauhan ng AFP at PNP dito sa kadahilanang may sarili tong security forces.
Aniya, kung nagkaroon man ng pagkukulang ay ito ay ang failure of security na sa kadahilanang hindi nagawang agad na masuri ang itim na bag na pinaniniwalaang pinaglagyan ng improvised explosive device na ginamit sa naturang pagpapasabog.
Samantala, kaugnay nito ay tiniyak naman ng AFP na nananatili itong nakaalerto katuwang ang PNP para magbantay sa buong Mindanao at maging sa Metro Manila bilang pagsiguro naman na walang magaganap na anumang spillover ng naturang terror attack.