Nasa limang miyembro pa ng bandidong Abu Sayyaf ang tinutugis ngayon ng militar sa Inagbanga, Bohol na nakasagupa ng militar kahapon.
Ayon kay AFP chief of staff General Eduardo Año na nagpapatuloy pa rin sa ngayon ang kanilang manhunt operation laban sa lima pang kasamahan ni Abu Rami na nakatakas sa engkwentro.
Subalit siniguro nito na hindi na maituturing na banta sa seguridad ang limang pinaghahanap na bandido.
Magugunita na nasa 11 miyembro ng ASG ang namataan nuong Lunes ng gabi sa coastal waters ng Inagbanga kung saan agad na ipinagbigay alam ng mga residente sa mga otoridad ang presensya ng mga armadong bandido.
Kinumpirma din ni Año na tukoy na rin nila ang local contact ng ASG sa lugar na umanoy Balik Islam.
Inihayag nito na nakatakas ang nasabing kontak pero may intelligence operation na isinagawa ngayon ang militar ukol dito.
” As of our count actually 11 ang pumunta dun from Sulu, they took off from Indanan and they reached Inabanga and then we had the encounters, we killed six so we there are still about five that we are tracking,” pahayag ni General Año.
Balik na rin sa normal ang sitwasyon sa lugar kung kayat walang dapat ipagalala ang mga residente maging ang mga turista.
“Masasabi natin na back to normal na yung community dun, our Centcom commander na si Lt Gen. Oscar Lactao already went there and met Gov. Edgar Chato. Cleared na rin yung tatlong bahay, we have already taken control of the three houses, last night nagkaroon ng clearing operation dun,” wika ng heneral.