-- Advertisements --

Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines na mananatili itong mahigpit sa pagbabantay sa seguridad ng buong bansa laban sa mga posibleng gawing kilusan ng komunistang teroristang grupo na New People’s Army sa kanilang ika-55 anibersaryo nito bukas, Disyembre 26, 2023.

Ito ang binigyang-diin ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad kasunod ng anunsyo ng Communist Party of the Philippines na dalawang araw na unilateral ceasefire kasabay ng kanilang paggunita sa kanilang anibersaryo bukas.

Paliwanag ni Col. Trinidad, sa kabila kasi ng deklarasyon ng CPP na tigil-putukan ay hindi pa rin binabalewala ng kasundaluhan ang kakayahan ng NPA na magplano at magsagawa ng mga pag-atake at panggugulo.

Ito ang dahilan kung bakit bagama’t ipinag-utos ng CPP sa lahat ng yunit ng armed wing nito na NPA sa buong bansa ang tigil-putukan ay inihanda pa rin ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang kanilang mga ground forces.

Samantala, gayunpaman ay iginiit din ni Trinidad na walang magiging epekto ang naturang ceasefire ng CPP sa ginagawang exploratory talks ngayon sa pagitan ng pamahalaan at National Democratic Front.

Matatandaan, na una na ring binigyang-diin ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines na magpapatuloy pa rin ang ginagawang pagtugis ng mga tropa ng mga militar sa mga miyembro ng komunistang teroristang grupo na NPA kahit na mayroon nang nilagdaang joint statement ang gobyerno at ang NDF hinggil sa nasabing usapin.

Kaalinsabay nito ay patuloy ding hinihikayat ng pamahalaan ang iba pang mga natitirang rebelde na nasa mga kabundukan na tuluyan nang magbalik-loob muli sa pamahalaan kasabay ng pagtiyak na buong pusong pagtanggap muli ng pamahalaan sa kanila kaakibat ng mga tulong at benepisyong ibibigay nito para sa kanila.