Binigyang-diin ni AFP Chief of Staff General Andres Centino sa lahat ng kaniyang military commanders ang kanilang gagawing “final push” para matapos na ang problema sa insurgency sa bansa.
Direktiba ni Centino sa kaniyang mga tauhan na siguraduhin na matapos ang problema sa CPP-NPA-NDF bago pa man bumaba o matapos ang termino ng Pang. Rodrigo Duterte.
Binigyang-diin ni Centino ang kaniyang kautusan sa isinagawang year-end Command Conference nuong Martes, January 25,2022 na dinaluhan ng mga Major Services and Unified Commanders.
Bukod sa gagawing final push laban sa communist insurgency pinasisiguro din nito sa mga commanders na maging maayos at mapayapa ang May 2020 national and local elections.
“As your Chief of Staff, I am taking the lead in this final push of our campaign. I enjoin everyone to maintain our momentum, sustain our gains, and remain victorious. Let us finish the local armed conflict within the President’s term. As the Armed Forces of the Filipino people, we shall not fail them in their desire of having a peaceful and secure society,” pahayag ni General Centino.
Hangad kasi ng Pangulo na matapos na ang armed insurgency sa bansa bago pa siya bumaba sa pwesto.
Sa ngayon, puspusan ang ginagawang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para labanan ang problema sa insurgency, terorismo at pamamayagpag ng Private Armed Groups (PAGs) sa bansa.
Samantala, ayon kay PNP Chief General Dionardo Carlos, patuloy ang ugnayan nila ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para makamit ang kagustuhan ng pangulo.
Lahat aniya ng operasyon na may kinalaman sa pagtugis sa mga makakaliwang grupo, terorista at PAGS ay pinagtutulungan ng PNP at AFP.