-- Advertisements --

Personal na nagtungo si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo S. Brawner Jr. sa burol ng dalawang piloto ng Philippine Air Force (PAF) na nasawi sa isang aksidente sa himpapawid sa Tuba, Benguet.

Kasalukuyang nakalagak sa Philippine Air Force Mortuary sa Colonel Jesus Villamor Air Base (CJVAB) ang labi ng dalawang piloto, kung saan personal na nagpaabot ng pakikiramay si Brawner sa mga naulilang pamilya.

Binigyang-pugay ng AFP Chief ang mga labi nina First Lieutenant Ruth Angelique Pasos PAF at Second Lieutenant Cherky Embudo PAF, bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon, katapangan, at tapat na paglilingkod sa bansa.

Ayon sa ulat ng AFP, ang dalawang sundalo ay nasawi habang nagsasagawa ng isang Military Pilot Training flight noong Mayo 20, 2026.

Sa kaniyang pagbisita, ipinaabot din ni Brawner ang pakikiisa at suporta ng buong sandatahang lakas sa nagdadalamhating mga pamilya sa gitna ng matinding pagsubok na ito.

Nagpahayag naman ng pakikiramay ang buong AFP sa pagkawala ng mga piloto, at idinagdag na ang kanilang katapangan at sakripisyo sa ngalan ng tungkulin ay mananatiling patunay ng propesyonalismo at pangako ng mga Pilipinong aviator na pangalagaan ang bansa at ang mamamayan nito.