-- Advertisements --
AFP CHIEF GEN. ROMEO BRAWNER JR

Iginiit ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na walang ipinapadalang kadete ang Pilipinas sa mga military school ng China.

Ito ang naging pahayag ng heneral matapos na kuwestiyonin sa Senado ang umano’y pagpapadala ng mga kadete ng Pilipinas sa China upang sumailalim sa pagsasanay.

Paglilinaw ni Brawner, tanging sa mga piling bansa lamang nagpapadala ng mga kadete ang Pilipinas kabilang na ang Estados Unidos, Australia, Japan, at South Korea.

Aniya, sa katunayan ay mayroong 45 mga Pilipinong kadete na rin ang kasalukuyang nag-aaral ngayon sa iba’t-ibang bansa ngunit hindi kabilang sa mga ito ang China.

Bukod dito ay idinagdag din niya na mula pa noong taong 2004 ay nagpapadala na ang Pilipinas ng mga AFP officers sa China ngunit ito ay alinsunod na rin sa memorandum of understanding on defense cooperation na nilagdaan ng ating bansa kasama ito.

Pinagsusumite rin ng report ang mga ito upang masailalim din sa assessment ng Sandatahang Lakas upang alamin na rin kung kinakailangan pa bang ituloy ang naturang programa.

Kung maalala, una nang kinondena ng mga Senador ang umano’y pagpapadala ng Pilipinas ng mga kadete sa China lalo na’t sunud-sunod ang mga insidente ng panghaharass nito sa ating bansa sa West Philippine Sea.

Bagay na nirerespeto naman ni AFP chief Brawner kasabay ng pagtiyak na sisilipin at pag-aaralan ng liderato ng Sandatahang Lakas ang usapin na ito.