Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Commission on Human Rights (CHR) na lalo pang papalakasin ang kanilang ugnayan.
Ito’y sa pamamagitan ng edukasyon, pagsasanay, at adbokasiya, tungo sa pakikipag-ugnayan sa isa’t isa sa pag-monitor sa mga insidente o kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Lumagda sa isang memorandum of understanding (MOU) ang AFP at CHR na naglalayon para palakasin pa ang adbokasiya sa pagsusulong ng karapatang pantao.
Sa nasabing MOU, sasailalim sa regular na human rights training and awareness ang mga sundalo at ang pagpapalawig sa tinatawag na La Breza Declaration ng CHR kasama ang AFP na nilagdaan noong 2012.
Ayon kay AFP Chief of Staff Lt. Gen. Cirilito Sobejana, napakahalaga ang mga lecture at training na ibibigay ng CHR sa mga sundalo.
Giit ng heneral mas higit na mapaglilingkuran ng AFP ang publiko kung nauunawaan at iginagalang nito ang karapatang pantao.
Sinabi ni Sobejana, walang naitalang human rights violations ang AFP at patuloy ang pagsasampa ng kaso laban sa mga kalaban ng gobyerno.
Samantala, mahigit 1,000 kaso na ang mga naihain ng AFP laban sa mga miyembro ng CPP-NPA mula 2010-2020.
Kasama na rito ang 544 na kaso ang pag-recruit ng child combatants, 532 na kaso ng pagwasak sa ari-arian ng mga mamamayan, at 141 kaso ng paggawa, pag-imbak ng mga bomba o pampasabog.
“We in the AFP will always endeavor to seek the most effective ways to address the gaps, in particular on observance of Human Rights of our organization. I am certain that by fostering close coordination, which involves a mutual exchange of knowledge on the intricacies and the proper interpretation of human rights and the best ways to promote them, there is surely much to learn from our counterparts from the CHR,” pahayag ni Lieutenant General Sobejana.
Sa kabilang dako, ikinatuwa ni CHR Chairperson Atty. Jose Luis Gascon na mapapalakas pa ang kanilang ugnayan sa AFP para tugunan ang isyu ng human rights violations.
“It is with deep appreciation and renewed hope that we welcome the signing of the memorandum of agreement with the AFP. Indeed, as duty bearers, we have the obligation to our citizens to uphold and protect Human Rights and International Humanitarian Law. This MOU will strengthen our respective institutions’ efforts in providing protection for the rights of all people in our country,” wika ni Atty. Gascon.