-- Advertisements --

All set na ngayon ang buong hanay ng Armed Forces of the Philippines para sa pagdaraos ng 88th anniversary nito bukas, Disyembre 21, 2023, na inaasahang dadaluhan din mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang guest of honor at speaker ng nasabing aktibidad.

Ang pagdiriwang na ito ng ika-88 taong anibersaryo ng Sandatahang Lakas ng Pilipina ay may temang “AFP@88: Rising over the Challenges in Service to the Nation” na layunin ding ipahayag ang pasasalamat ng kasundaluhan sa suportang natatanggap mula sa mamamayang Pilipino, at gayundin ang pagpapakita sa naging progress nito tungo sa layuning maging isang world-class armed forces na maipagmamalaki ng ating bansa.

Sisimulan ang nasabing aktibidad sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Simultaneous Interfaith Prayer Service at Thanksgiving Mass.

Susundan ito ng Simultaneous Flag-Raising at awarding ceremony para sa iba’t-ibang mga valued stakeholders at partners ng kasundaluhan.

Bukod dito ay inaasahan din ang parada ng mga division-size dismounted at mounted contingents na kinabibilangan naman ng mga newly-acquired assets ng AFP kabilang na ang dalawang FA-50 jets nito na gagamitin namang signal o hudyat sa pagsisimula ng naturang programa.

Samantala, matatandaan na bago pa man anibersaryong ito ng AfP ay nagsagawa na rin ng ilang mga aktibidad ang kasundaluhan tulad na lamang ng pagdaraos ng Simultaneous Wreath-Laying Ceremony, at anniversary concert noong Disyembre 15, Talakayang Mabini 2023: Policy and Strategic Studies Forum noong Nobyembre 27, at Anniversary Fun Run noong Disyembre 7, 2023.