-- Advertisements --

Nag-abiso ang Manila International Airport Authority (MIAA) na makakaranas ng scheduled power interruptions sa Ninoy Aquino International Airport hanggang sa Mayo 28.

Ito ay para bigyang daan ang pagpapalit ng mga nasirang medium voltage switchgear components sa 8 magkakaibang electrical substations sa NAIA Terminal 3.

Bunsod ng maintenance shutdowns, maapektuhan ang open at multilevel parking substations sa South at North concourses at main substation ng Terminal 3.

Ang epekto nito ay mababawasan ang suplay ng kuryente sa air-conditioners sa ilang parte ng NAIA at ang mga escalators at elevators ay maaaring hindi rin gumana.

Bilang tugon, naka-standby ang generator sets para makapaghatid ng walang patid na suplay ng kuryente sa mga mahahalagang sistema ng paliparan.

Humingi naman ng paumanhin sa publiko si MIAA General manager Eric Jose Ines sa abalang maaring idulot ng power shutdowns kaakibat ng pagtitiyak na mas magiging matimbang ang mga benepisyo ng gagawing pag-upgrade sa electric system ng NAIA.

Ipapatupad ang power shutdown sa hatinggabi ng Mayo 28 kung saan kakaunti ang naka-schdule na flights.