Lumagda na ng isang Joint Administrative Order ang Department of Health (DOH), Department of Transportation at iba pang concerned agencies na nagbibigay suporta sa “active transport.”
Tugon ito ng mga ahensya sa gitna nang limitadong transportasyon ngayon dulot ng mga ipinatutupad na lockdown at health protocols dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng JAO 2020-0001, kinikilala ang pagbi-bisikleta at paglalakad bilang uri ng active transport o alternatibong paraan nang pagbiyahe. Nakasaad din dito ang panuntunan sa pagsusuot ng face mask at social distancing.
“The DOTr fully supports the use of active transportation, such as biking and walking, as a viable addition and sustainable supplement to existing modes of transportation. We acknowledge the health and environmental benefits it brings,” ani Transportation Sec. Arthur Tugade.
Hinihimok ng mga ahensya ang iba pang national government agencies at local government units na magtayo ng ligtas na bicycle lanes at walking paths. Pati na bicycle racks at changing rooms.
Bukod sa DOH at DOTr, kasama ring lumagda sa JAO ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
“We want to be able to provide viable options to our citizens especially for civilians who would opt to walk or use their bikes instead of vehicles,” ani Public Works Sec. Mark Villar.
Bumalangkas ng isang “Health Promotion Playbook on Active Transport” ang DOH, kasama ang Interior department at civil society groups. Ipapaliwanag daw ang health benefits at iba pang dapat gawin ng mga LGU para matagumpay nilang mai-rolyo ang kani-kanilang bicycle lane network.
“We enjoin all LGUs to make use of thse resources and adopt active transport within their locales. To weather the rides of this pandemic, all government agencies including LGUs should collaborate and unite to ensure the safety and health of every Filipinos,” ani Health Sec. Francisco Duque III.
Una na raw naglabas ang DILG ng memorandum circular ukol sa guidelines ng mga lokal na pamahalaan na inaatasang magtayo ng network para sa mga nagbibiskleta at naglalakad na residente bilang transportasyon.
Ang joint administrative order ng apat na ahensya ay epektibo hanggang matapos ang pandemic na COVID-19 sa Pilipinas.
“Matagal pa ulit bago natin makitang siksikan ang mga tren at pampublikon bus, kaya kailangang tiyakin ng LGUs na may ligtas na cycling lanes sa mga lokalidad at siyempre disiplina sa paggamit ng mga ito,” ani DILG Sec. Eduardo Año.