-- Advertisements --

Sumampa na sa 1,750 ang aktibong kaso ng Covid 19 sa PNP kahapon mula sa 1649 kamakalawa.


Nalagpasan na ng bilang na ito dating pinakamataas na antas ng aktibong kaso na 1,708 na naitala noong Sept 12, 2020.


Sa mga aktibong kaso, 61 ang nagpapagaling sa mga ospital, at 1,689 ang nasa iba’t ibang quarantine facilities.


Sa ngayon ay nasa 13,828 na ang tauhan ng PNP na tinamaan ng Covid 19; kung saan 12,042 ang nakarekober at 36 ang nasawi.

-- Advertisement --

Kasama na dito ang naitala ng PNP Health Service na 70 recoveries at 171 bagong kaso as of March 25.

Samantala, Inatasan ng Administrative Support to COVID 19 Operation Task Force (ASCOTF) ang lahat ng Police Commander at Unit head na magkasa ng surprise inspection sa lahat ng istasyon ng Pulisya.

Ayon kay ASCOTF Commander at Deputy Chief PNP for Administration P/LtG. Guillermo Eleazar na may basbas mula kay PNP Chief P/Gen. Debold Sinas upang tiyaking nasusunod ng mga Pulis ang Minimum Health and Safety Protocol sa lahat ng kanilang mga tanggapan.

Ayon kay Eleazar, lubhang nakababahala na ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID 19 sa kanilang hanay kaya’t dapat matiyak na ligtas ang mga ito habang ginagampanan ang kanilang tungkulin Mula nuong Marso a-15, hindi na bumaba sa 100 ang bilang ng mga naitatalang kaso ng COVID 19 sa kanilang hanay.

Sa kasalukuyan, mahigpit ang ginagawang contact-tracing ng PNP sa kanilang mga tauhan na nagkaroon ng close contact upang maihiwalay ang mga tinatawag na high risk sa mga low risk close contact ng mga nagpopositibo sa virus.


Batay sa pinakahuling datos, ang Metro Manila pa rin ang nangunguna sa mga Regional Offices ng PNP na may pinaka mataas na kaso ng COVID 19 mahigit isang linggo na ang nakalilipas.