Aminado ang PhilHealth na hindi nila basta-basta maaalis ang accreditation ng WellMed Dialysis Center sa kabila ng kontrobersya ukol sa ghost dialysis na kanilang kinasasangkutan.
Sa isang panayam sinabi ni PhilHealth spokesperson Dr. Gigi Domingo na hindi pa umaabot sa kanilang arbitration department ang usad ng kaso para i-suspinde ang accreditation ng WellMed bilang Free Standing Dialysis Center.
Nakasaad daw kasi sa polisiya ng ahensya na arbitration department ang magde-desisyon sa lahat ng accreditation at ano mang nakabinbin na kasong kriminal.
Batay din sa kanilang panuntunan, basehan ng kanselasyon ng accreditation ang kaso ng misrepresentation, fraudulent practices at ghost patients.
Sa ngayon nakahinto raw muna ang pagbabayad ng PhilHealth sa WellMed pero wala pa rin umanong nakahain na reklamo ukol sa sinasabing sabwatan ng mga opisyal ng dalawang tanggapan.
Nauna ng sinabi ni PhilHealth Pres. Roy Ferrer na magtatalaga sila ng fraud investigators at mga bagong abogado bilang bahagi ng internal cleansing.
Ito’y matapos mabatid na may ilang regional vice president ang matagal ng nakaupo sa pwesto at tila takot umanong magpa-reshuffle.
Sa ngayon 28 counts na raw ng admin case ang naisampa ng PhilHealth laban sa WellMed; may 12 ring hiwalay na pending case at may iba pang hinahabi kaugnay din ng issue.
Sa kabila nito, tikom ang ahensya kung may tsansa pang maibalik sa mga miyembro nito ang bilyon-bilyong pisong pondo na pinaniniwalaang nanakaw dahil sa ghost dialysis treatments.