Dumulog na sa Korte Suprema ang ABS-CBN Corporation para pigilan ang inilabas na cease and desist order ng National Telecommunications Commisison (NTC) na nagpapatigil sa operasyon ng network.
Nagsumite ang ABS-CBN Corporation ng petition for certiorari and prohibition laban sa NTC.
Inihirit ng network sa Supreme Court na magpalabas itong Temporary Restraining Order (TRO) laban sa implementasyon ng cease and desist order ng NTC.
Layon nito na ipawalang bisa o isantabi ng Korte ang kautusan ng NTC na may petsang May 5, 2020 na nagpapatigil sa operasyon ng kumpanya.
Naniniwala ang ABS-CBN na ang cease and desist order ng NTC at paglabag sa karapatan ng publiko sa tamang impormasyon at pagsikil sa kalayaan sa pamamahayag.
Ayon sa network, magdudulot ito ng seryoso at tinatawag na irreparable damage sa kumpanya at sa libo-libo nitong empleyado kung magpapatuloy ang implementasyon ng NTC order.
Nagsumite din ang ABS-CBN Corporation ng urgent motion para agad na mai-raffle ang kaso sa isa sa mga division ng SC.