Humiling ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber na tanggalin ang isa pang doktor na itinalaga para suriin ang kanyang kalusugang pangkaisipan bago ang paglilitis.
Sa isang 18-pahinang submission na nilagdaan ni abogado Nicholas Kaufman, iginiit ng depensa na kulang umano sa karanasan ang bagong doktor at may mga “nakasusuklam” umanong posts sa social media na nagpapakita ng kawalan ng propesyonalismo.
Hiniling ng kampo ni Duterte na bawiin agad ang mandato ng naturang doktor bago siya makakuha ng access sa mga pribadong impormasyong medikal ng dating Pangulo.
Noong Setyembre, una nang pinatanggal ng depensa ang isang babaeng neuropsychologist sa kaparehong panel.
Samantala, sinabi ng kinatawan ng mga biktima ng war on drugs na may sapat na kredensyal ang mga eksperto nilang iminungkahi para sa pagsusuri kay Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa Hague Penitentiary Institution.
Nahaharap si Duterte sa mga kasong may kaugnayan sa 49 insidente ng pagpatay at tangkang pagpatay sa ilalim ng kanyang kampanya kontra droga.(report by Bombo Jai)










