
Nanindigan si National Police Commission chairperson at Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. sa kaniyang una nang naging pahayag pahinggil sa umano’y “cover up” issue sa mga nasabat na sangkaterbang mga ilegal na droga mula sa isang operasyong ikinasa noong nakaraang taon.
Sa isang mensaheng ipinadala ng kalihim sa mga mamamahayag ay binigyang diin nito ang mga katagang RES IPSA LOQUITUR o kung isasalin sa salitang ingles ay nanganghulugang “the thing speaks for itself” na prinsipyo ng batas.
Ito ang naging tugon ni Abalos sa una nang naging pahayag ni PNP Chief PGen Rodolfo Azurin Jr. kaugnay sa kaso ng biggest drug haul sa kasaysayan ng Pambansang Pulisya kung saan nasakote ng mga otoridad ang aabot umano’y mahigit isang toneladang ilegal na droga mula sa lending firm ni dating PMSG Rodolfo Mayo Jr.
Sa ginanap na pulong balitaan kasi ay una nang sinabi ni Azurin na walang naganap na “cover up” sa kasong ito at naniniwala rin aniya siya na walang kinalaman sina dating Deputy Chief for Operations PLTGEN Benjamin Santos Jr., at dating PNP Drug Enforcement Group PBGEN Narciso Domingo dito.
Ngunit iginiit ni Abalos na ang mismong video na kanilang narekober ang nagpapakita kung paano talaga ang nangyari ang naturang operasyon.
“In law, there is the principle of RES IPSA LOQUITUR. The thing speaks for itself. The video in itself is a statement of what transpired.”
Ang CCTV footage na narekober ng mga otoridad mula sa crime scene ang tintukoy ng kalihim na video na nagsasabi kung ano talaga ang tunay na nangyari.
Sa kabila nito ay sinabi naman ni Abalos na nirerespeto niya si Azurin, kasabay ng pahayag na naniniwala aniya siya na sang-ayon ito na kinakailangan malaman ng publiko ang katotohanan.
Hindi lamang aniya sa patungkol sa 42 kilo ng shabu na kinupit ng mga sangkot na pulis kundi pati na rin sa kabuuang katotohanan sa sangkaterbang ilegal na droga na nasabat mula sa nasabing operasyon.
Sinabi rin niya na tiwala siya na iimbestigahang mabuti ng National Police Commission ang naturang insidente habang sa panig naman ni Azurin ay patuloy ang kaniyang panawagan sa kalihim pagtiwalaan ang Pambansang Pulisya para sa paglutas sa isyu ng droga sa loob ng hanay ng kapulisan.
“While I respect General Azurin, I am sure he agrees with me that the public deserves to know the truth. Hindi lamang sa isyu ng 42 kilos kundi higit sa lahat sa kung ano ang nangyari sa 900 kilos na nakumpiska.”
Kung maaalala, una nang inilarawan ni Azurin na “very professional” daw ang kanilang working relationship ni Abalos kasabay ng mariing pagtanggi na mayroong gusot sa pagitan nilang dalawa.
Ito ay sa gitna pa rin ng kinakaharap na kontrobersiya ng PNP dahil sa umano’y pagkakasangkot ng mg ito sa nasabing kaso.
















