-- Advertisements --
image 475

Ipinag-utos ni Executive Secretary Lucas Bersamin kina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Immigration Commissioner Norman Tansingco na simulan na ang summary deportation proceedings ng mahigit 200 foreign nationals na nahuli sa isang raid sa Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Pasay City.

Sa isang pahayag, sinabi ni Bersamin, na namumuno sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), na magsisimula sa susunod na linggo ang deportasyon ng 231 dayuhang inaresto sa SA Rivendell Global Gaming Inc.

Ang nasabing kumpanya ay sangkot umano sa iba’t ibang anyo ng mga scam.

Ang Presidential Anti-Organized Crime Commission ay naglabas din ng memorandum na nag-uutos kay Anti-Money Laundering Council Executive Director Matthew David na i-freeze ang mga asset ng SA Rivendell, kabilang ang SKK Building na lugar ng operasyon ng POGO, at lahat ng sasakyang matatagpuan sa paligid nito.

Iniulat din ng komisyon na naglabas ang immigration bureau ng commitment order para sa 27 foreign nationals para ilipat sa Pasay City jail.

Dagdag pa dito, isa pang walong dayuhan ang ikukulong sa immigration detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.

Una na rito, ang na-raid na POGO hub sa Pasay City ay pinaniniwalaang front para sa iba’t-ibang talamak na cybercrime activities.