BAGUIO CITY – Patuloy pang nadadagdagan ang aabot sa 2.5-M na fans ang lumalagda sa online petition o signature campaign na humihiling na ipalit ang silhouette ni legend at retired superstar Kobe Bryant sa kasalukuyang logo ng NBA.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Bombo international correspondent Delfrado Villanueva Jr., sinabi niya na gusto ng mga fans ni Kobe na para hindi mawala ang pangalan nito at makalimutan ng mga tao ay dapat ipalit ang silhouette ni Bryant sa kasalukuyang iconic logo ng NBA na silhouette din ng NBA legend na si Jerry West.

Sa website ng Change.org, patuloy na pumipirma ang mga fans sa nasabing petition na may puntirya na makakuha ng 3-M na lagda para sa kampanyang i-immortalize si Bryant bilang bagong logo ng NBA.

Napag-alamang matapos pumirma sa petition ay inihayag ng mga fans sa social media ang kanilang pagmamahal sa tinaguriang Black Mamba kasabay ng pag-post nila sa mga mock-ups o desenyo ng magiging bagong logo ng NBA kung saan tampok ang silhouette ni Bryant.