-- Advertisements --
image 426

Inihayag ni Philippine National Police chief PGen Rodolfo Azurin Jr. na mayroon pa ring natitirang sampung mga 3rd level officers ang hindi pa nagsusumite ng kanilang courtesy resignation.

Ito ay kahit na bukas na, Enero 31, nakatakdang magtapos ang submission nito.

Sa pulong balitaan ngayong araw ay sinabi ni PNP chief Azurin, mula sa naturang bilang, tatlo sa mga ito ang mga heneral, habang pito naman ay pawang mga koronel ng pambansang pulisya.

Pangunahing dahilan pa rin ng agam agam sa ilan sa mga ito ay may kaugnayan pa rin sa kanilang napipintong pagreretiro sa serbisyo.

Ngunit sa kabila nito ay binigyang-diin pa rin ni Azurin na ang pangkalahatang naging pagtugon ng mga heneral at koronel ng pambansang pulisya ay nananatili aniyang matagumpay dahil sa pakikiisa ng karamihan sa naging panawagan ni Department of the Interior and Local Goverment secretary Benjamin Abalos na layuning linisin mula sa mga ilegal na gawain partikular na sa pagkakasangkot nito sa operasyon ng ilegal na droga.

Samantala, bukod dito ay sinabi rin ni Azurin na papangalanan nila ang apat pang mga personalidad na bubuo sa committee of five na sasala sa lahat ng mga heneral at full pledged colonel na naghain na ng kanilang courtesy resignation.