Dalawang Italian national ang nasawi matapos ang pag-atake ng mga drone mula Iran sa isang pasilidad-militar sa Kuwait.
Ayon kay Italian Foreign Minister Antonio Tajani, nagtatrabaho ang mga biktima bilang technician ng Rome-based defense company na Rheinmetall Italia sa isang air defense detection station nang mangyari ang insidente.
Nagkaroon umano ng malakas na pagsabog matapos atakehin ng mga drone ang pasilidad. Kinumpirma rin ng Kuwait Defense Ministry na dalawa pa ang nasugatan, isang Kuwaiti at isang Pakistani national, habang nagtamo ng pinsala ang ilang pasilidad.
Bagamat na-intercept ng Kuwait air defense system ang mga drone sa himpapawid ng bansa, nagbagsakan naman ang mga debris na nagdulot ng pinsala.
Samantala, itinanggi ng Iran ang pagsasagawa ng naturang pag-atake at iginiit na wala itong inilunsad na operasyong militar sa rehiyon.
Nagpahayag naman ng pakikiramay si Italian Prime Minister Giorgia Meloni sa pamilya ng mga nasawi, kasabay ng patuloy na pagtaas ng tensiyon sa Middle East.
















