-- Advertisements --

Nagbabala si United Nations Secretary-General Antonio Guterres laban sa malulubhang epekto at banta ng climate change sa hagdang-hagdang palayan ng Ifugao o ang Banaue Rice Terraces.

Kasunod ito ng pagbisita ng UN chief sa tanyag na likas na pook nitong nakaraang linggo matapos ang nagdaang 49th Association of Southeast Asian Nations o ang ASEAN Summit sa Manila kung saan binisita rin ni Guterres ang Batad, Bangaan, at Hapao rice terraces sa kaniyang dalawang-araw na pagpapasyal sa munisipalidad ng Ifugao.

Inilarawan din ng UN chief ang mga hagdan-hagdang palayan bilang isang “pambihirang patunay” o aniya’ extraordinary testament ng higit na pag-unawa at maayos na pangangalaga ng mga komunidad ng Ifugao sa kanilang kapaligiran.

“When these rice fields were built, my country did not exist yet. It demonstrates the enormous value of the cultures and civilization of this region,” ani Guterres.

Bagama’t ipinahayag ng pinuno ng UN ang kagandahan at ilang siglong kasaysayan ng naturang pook, nanawagan ng agarang tugon si Guterres hinggil sa malubhang banta at epekto ng pabago-bagong panahon na nagbubunga ng mga landslide at bagyo na siya namang nagdudulot ng pagkasira sa tanyag na Banaue Rice Terraces.

“Last year, we had landslides in this fantastic site. This year, we are afraid of droughts. Climate change is having a dramatic impact everywhere. But also here in the rice fields of the Philippines,” saad nito

Dagdag pa ni Guterres, ang tanging tugon lamang dito ay ang agarang aksyon laban sa climate change, na aniya’y matutuldukan sa pamamagitan ng pagbalikwas sa pag-asa sa fossil fuels para sa enerhiya. Sa halip, aniya, ay isulong ang paggamit ng mas malinis na reserba ng enerhiya o renewable energies, maging sa pagsulong ng kamalayan hinggil sa naturang suliranin ng kalikasan at ang pangangalaga sa higit na bulnerableng populasyon.

Noong 1995, napasama ang Rice Terraces of the Philippine Cordilleras sa World Heritage List ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization o UNESCO noong 1995 o mas kilala kung tawagin sa mga libro bilang UNESCO World Heritage Site kung saan binubuo ito ng limang clusters ng hagdan-hagdang palayan sa Ifugao at kinikilala sa kultura at tradisyunal na kahalagahan nito sa pamamaraan ng pagsasaka na pinangalagaan ng mga lokal na komunidad sa loob ng maraming henerasyon.