Bumaba ng halos isang katlo ang bilang ng mga barko ng China na namataan sa mahahalagang bahagi ng West Philippine Sea sa linggo ng pagdaraos ng ASEAN Summit sa Pilipinas.
Batay sa datos ng Armed Forces of the Philippines o AFP, nasa 19 na barko ng China ang na-monitor sa Ayungin Shoal, Bajo de Masinloc, Escoda Shoal at Pag-asa Island mula Nobyembre 9 hanggang 16. Mas mababa ito ng 10 barko kumpara sa 29 na namataan mula Nobyembre 3 hanggang 8.
Sa kabuuang 19 na barko, 14 ang mula sa China Coast Guard at lima ang barkong pandigma ng People’s Liberation Army Navy. Sa nakaraang linggo, naitala ang 20 barko ng China Coast Guard at siyam na barko ng hukbong pandagat ng China.
Pinakamaraming barko ang namataan sa Bajo de Masinloc na may siyam, sinundan ng Ayungin Shoal na may anim. Tatlo naman ang na-monitor malapit sa Pag-asa Island, habang isa ang namataan sa Escoda Shoal.
Naitala ang pagbaba ng bilang ng mga barko ng China kasabay ng pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit. Gayunman, wala pang naitatag na direktang ugnayan ang dalawang pangyayari.













