Pinuri ng Philippine Legislators’ Committee on Population and Development (PLCPD) ang House Committee on Health matapos nitong aprubahan noong Nobyembre 11 ang Smoke-Free and Vape-Free Environment Bill na naglalayong protektahan ang kalusugan ng publiko laban sa usok ng sigarilyo at vape.
Inihayag ito kasabay ng pagdiriwang ng National Children’s Month, kung saan pinasalamatan ni PLCPD Executive Director Au Quilala si House Committee on Health Chairperson at Manila 4th District Representative Giselle Mary L. Maceda sa pagbibigay-prayoridad sa nasabing panukala.
Ang House Bill 9603 na isinulong ni Albay 1st District Representative Krisel Lagman ay naglalaman ng RELATE framework na ibinatay sa mga matagumpay na ordinansa laban sa yosi at vape sa mga lungsod ng Baguio, Iloilo, at Davao.
Kabilang sa RELATE framework ang pag-alis ng mga indoor smoking and vaping area, pagpapalawig ng mga smoke-free zone, paglalaan ng lokal na pondo para sa kalusugan, paggawad ng parangal sa mga LGU, pagbuo ng task force, at pagpapatupad ng mas mabibigat na parusa sa mga lumalabag.
Binigyang-diin ng PLCPD na batay sa 2024 Global Youth Tobacco Survey, anim sa bawat sampung kabataang Pilipinong edad 13 hanggang 15 ang nakalantad sa usok ng sigarilyo sa mga pampublikong lugar, kaya nanawagan sila sa buong Kongreso at sa Senado na ipasa na ito para sa kalusugan ng nakararami.















