-- Advertisements --

Ibinahagi ng Miss Universe Organization nitong Biyernes ang bago nitong korona na nakatakdang isuot ng 75th Miss Universe title winner.

Binansagang “The Radiance of an Eternal Legacy,” ipinresenta ng organisayon ang nagniningning na obra sa pagpupulong ng mga delegado ng 2026 edition ng Miss Universe sa San Juan, Puerto Rico.

Kabilang sa pagpupulong bilang delegado ang Philippine-bet na si Bea Millan-Windorski.

Ang korona, na yari sa 18-karat white gold at pinalamutian ng 3,150 diamonds, ay likha ng natatanging jewelry designer na si George Wittels at Paris-based fine jewelry house Maison d’OR.

Hango ang disenyo nito sa legasiyang binuo ng mga nagdaang Miss Universe title holders sa buong kasaysayan ng nasabing pageant habang itinatampok ang bawat yugtong pinagdaanan nito sa loob ng pito’t kalahating dekada.

Sa likod nito, nakahulma ang mga hiyas sa pigurang “75,” habang ang bida naman ang tatlong diyamante nito sa harap na kumakatawan sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng pageant.

Ang kaliwang diyamante ay para sa mga kababaihang bumuwag sa mga hadlang at nagbagtaas ng daan para sa kasalukuyan.

Ang kanang diyamante ay para sa mga kababaihang naging modelo ng pagbabago sa kanilang mga komunidad.

Sa wakas, ang gitnang diyamante, ay para sa mga kababaihang magbibitbit ng pamana ng Miss Universe sa hinaharap.

Samantala, kaabang-abang naman kung kaninong delegado isusuot ang korona habang papalapit nang papalapit ang Miss Universe pageant proper na idadaos sa Nobyembre 24.