-- Advertisements --

Mahabang araw ang naghihintay sa mga pageant fans sa Pilipinas sa Nobyembre 25, dahil halos magkasunod na gaganapin ang finals ng Miss Universe at Miss International.

Ayon sa Miss Universe Organization, idaraos ang coronation night ng ika-75 edisyon ng pageant sa Nobyembre 24 sa Puerto Rico. Ngunit dahil sa kaibahan ng oras, umaga na ng Nobyembre 25 sa Pilipinas ito mapapanood.

Sa parehong araw naman, gaganapin sa Tokyo, Japan ang coronation night ng Miss International 2026.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang dalawang major international beauty pageants ay magkakaroon ng halos magkasunod na finals sa loob lamang ng ilang oras.

Kinumpirma rin ng Miss Universe Organization ang iskedyul ng iba pang mahahalagang aktibidad bago ang finals, kabilang ang National Costume Show sa Nobyembre 21 at ang preliminary competition sa swimsuit at evening gown sa Nobyembre 22, oras sa Puerto Rico.

Kinakatawan ni Bea Millan-Windorski ang Pilipinas sa Miss Universe, kung saan hangad niyang maiuwi ang ikalimang korona ng bansa.

Samantala, si Katrina Anne Johnson naman ang pambato ng Pilipinas sa Miss International, na maglalayong maipanalo ang ikapitong titulo para sa bansa.