Kinuwestiyon ni Senator-judge Erwin Tulfo ang biglang pagtaas ng sales ng Gencorp Industries Inc. matapos maging Bise Presidente umano si Sara Duterte.
Sa pagtatanong ng senador sa witness ng depensa na si Atty. Suzette Balucanag-Punay sa ika-42 araw ng impeachment trial nitong Miyerkules, tila nagtaka si Tulfo sa biglang paglaki at pag-lobo ng kita ng naturang kumpanya mula nang maupo sa puwesto bilang Vice President si Sara Duterte.
Ayon kay Tulfo, mula sa tinatayang P28 milyon na sales noong 2021, umabot umano sa P300 milyon ang benta ng kumpanya, bago pa lumaki sa halos P1 bilyon ang sales nito mula 2022 hanggang 2024. Dahil dito, tinanong ng senador kung anong produkto ang naibenta ng Gencorp upang biglang lumaki ang kita nito at kung may posibleng conflict of interest sa pagtaas ng sales kasabay ng panunungkulan ni Duterte bilang Bise Presidente.
Bilang tugon, ipinaliwanag ni Balucanag-Punay na may limang branch ang Gencorp. Aniya, kasabay ng pagdami ng mga Jollibee store na pinaglilingkuran ng kumpanya ang pagtaas din ng kanilang income.
Si Atty. Suzette Balucanag-Punay ang tumayo bilang ika-apat na testigo ng depensa upang magbigay ng testimonya ukol sa article II o ang hindi maipaliwanag na yaman ng pangalawang pangulo na tinatalakay sa impeachment sa trial.















