Umabot sa 63 driver at konduktor ng pampublikong transportasyon ang nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga sa isinagawang nationwide drug testing campaign ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa Undas 2026.
Ayon kay PDEA Director General Usec. Isagani R. Nerez, kabilang ang mga ito sa 5,479 driver at konduktor na sumailalim sa sorpresang drug testing mula Oktubre 26 hanggang 31, 2026.
Sa bilang na ito, 62 ang nagpositibo sa shabu habang isa naman ang nagpositibo sa marijuana. Karamihan sa mga nagpositibo sa shabu ay mga tricycle driver, jeepney driver, bus driver, at iba pang manggagawa sa pampublikong transportasyon.
Mas mababa ito ng 12.5 porsiyento kumpara sa 72 naitalang positibong resulta noong 2025.
Ayon sa PDEA, layunin ng Oplan Harabas, katuwang ang Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police (PNP), na matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at maiwasan ang mga aksidente sa kalsada sa pamamagitan ng pagpigil sa pagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya ng ilegal na droga.















