Nasabat ng mga awtoridad ang limang abandonadong inbound parcels na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), isinagawa ang interdiction operation noong Mayo 26, 2026 sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kabilang ang Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Natukoy umano ang mga kahina-hinalang parcel sa isinagawang routine X-ray screening bago isinailalim sa masusing manual examination at K-9 inspection.
Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ng mga awtoridad ang iba’t ibang uri ng hinihinalang ilegal na droga na itinago sa loob ng mga de-latang produkto, kahon, at iba pang packages.
Kabilang sa mga nasabat ang hinihinalang methylenedioxymethamphetamine (MDMA) o Ecstasy, marijuana kush, cocaine, ketamine, Ecstasy tablets, at iba pang hindi pa matukoy na substance na may tinatayang street value na aabot sa P6.4 milyon.
Ayon sa ulat, nagmula umano ang mga parcel sa Canada at France at nakapangalan sa ilang indibidwal sa Pampanga at Cagayan de Oro. Gayunpaman, iniwan o hindi na ito inangkin ng mga recipient.
Ang mga nakuhang hinihinalang ilegal na droga ay isinailalim na sa kustodiya ng PDEA para sa kaukulang laboratory examination at legal disposition.
















