Umaabot sa tinatayang P56 million halaga ng iligal na droga ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport noong Lunes.
Ayon sa BOC, nadiskubre ang 14 na abandonadong parcel na naglalaman ng iba’t ibang uri ng droga, kabilang ang shabu o methamphetamine hydrochloride, marijuana, opium poppy, at 100 vape cartridges na may laman umanong liquid marijuana.
Sinabi ng BOC na galing sa Estados Unidos at iba’t ibang bansa sa Asya at Europa ang mga nasabat na kargamento.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, patuloy ang paggamit ng mga sindikato sa parcel at air cargo shipments para makapagpuslit ng iligal na droga sa bansa, ngunit tiniyak niyang pananagutin ang mga nasa likod nito.
Ang mga nakumpiskang droga ay agad na isinuko sa Philippine Drug Enforcement Agency para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.
Patuloy namang iniimbestigahan kung sino ang nasa likod ng mga padalang parcel.
















