Tuluyan nang isinara ni Naga City Mayor Leni Robredo ang posibilidad na muling sumabak sa pambansang pulitika, kabilang ang pagtakbo sa pagkapangulo o pagkasenador sa 2028 national elections.
Muling nilinaw ni Robredo ang kaniyang desisyon sa isang press conference sa Naga City nitong Lunes, Nobyembre 9, sa gitna ng patuloy na panawagan ng ilang dating kaalyado at tagasuporta na muli siyang tumakbo sa mas mataas na posisyon.
Ayon sa alkalde, matagal na niyang napagdesisyunan na hindi na babalik sa national government at wala nang anumang makapagpapabago sa kaniyang isip.
Ipinaliwanag ni Robredo na bahagi na ng kaniyang naging desisyon ang hindi paggamit sa posisyon bilang alkalde bilang pansamantalang hakbang o paghahanda para sa posibleng pagtakbo sa 2028.
Binigyang-diin din niyang kahit magpasya siyang hindi na humabol sa ikalawang termino bilang mayor ng Naga City, hindi pa rin nangangahulugang babalik siya sa pambansang pulitika.
Inamin din ng dating bise presidente na batay sa kaniyang sariling pagtatasa, nakita niya ang ilang limitasyon sa kaniyang kakayahang harapin ang masalimuot na takbo ng national politics.
Bagama’t naniniwala siyang kaya niyang gampanan ang trabaho sa pambansang pamahalaan, sinabi niyang nangangailangan ito ng sapat na political savvy upang mapangasiwaan hindi lamang ang trabaho kundi pati ang mas malawak na pulitika sa bansa.
Samantala, sinabi ni Robredo na bukas siyang sumuporta sa ibang indibidwal na sa tingin niya ay may kakayahan at karapat-dapat mamuno sa bansa.
Matatandaang nagsilbi si Robredo bilang bise presidente mula 2016 hanggang 2022 at tumakbo sa pagkapangulo noong 2022 elections, kung saan natalo siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Noong 2025, bumalik siya sa lokal na pulitika at nahalal bilang alkalde ng Naga City, kung saan nais niyang ituon ang kaniyang panahon sa mga programa at pangangailangan ng mga residente.
Sa kabila ng patuloy na pagkakasama ng kaniyang pangalan sa mga posibleng kandidato sa 2028 presidential race, iginiit ni Robredo na hindi na kabilang sa kaniyang mga plano ang pagtakbo sa anumang pambansang posisyon.













