-- Advertisements --

Nangako ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na patuloy na makikipagtulungan sa pambansang pamahalaan upang ganap na maisakatuparan ang mga napagkasunduan sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), at hindi lamang basta tapusin ang proseso ng kapayapaan.

Sa isang pahayag, sinabi ng MILF na higit sa pormal na pagtatapos ng peace process ang layunin nito. Nais nitong matupad ang mga adhikain at pangakong naging dahilan ng pagsisimula ng usapang pangkapayapaan.

Kasunod ito ng pulong noong Nobyemre 4 sa Malacañang nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at mga lider ng MILF, sa pangunguna ni Chairman Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim at Vice Chair Mohagher Iqbal, na siya ring namumuno sa MILF Peace Implementing Panel.

Inilarawan ng MILF ang pulong bilang positibo at nakatuon sa hinaharap. Ayon sa grupo, kinilala ni Marcos na hindi makakamit ang mga naging tagumpay ng prosesong pangkapayapaan sa Bangsamoro kung wala ang pakikipagtulungan ng MILF.

Ipinabatid din umano ng pangulo ang layunin nitong kumilos nang mas determinado upang mapabilis ang pagtupad sa mga natitirang pangako sa CAB.

Kabilang dito ang normalization, pagpapaunlad ng kabuhayan at ekonomiya, pagbabago sa mga kampo ng MILF, mga kaayusan sa seguridad, transitional justice, pagkakasundo at mga hakbang upang mapatatag ang tiwala ng magkabilang panig.

Ayon naman kay Presidential Peace Adviser Secretary Mel Senen Sarmiento, inatasan siya ni Marcos at ang iba pang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na makipagtulungan nang malapit sa MILF upang maisakatuparan ang kasunduan.

Sinabi ng MILF na umaasa itong magtutulungan ang magkabilang panig upang maipatupad nang buo ang mga pangako ng CAB.

Nilagdaan ng pamahalaan at MILF ang kasunduan noong 2014. Naging daan ito sa pagkakatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) noong 2019, kasunod ng ratipikasyon ng Republic Act No. 11054 o Bangsamoro Organic Law.