-- Advertisements --

Nasabat ng Bureau of Customs (BOC)–Port of Clark, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang dalawang shipment na naglalaman ng halos 20 kilo ng ketamine na nagkakahalaga ng P99.445 milyon.

Ayon sa BOC, bahagi ang pagkakasabat sa pinaigting na pagbabantay laban sa pagpupuslit ng ilegal na droga.

Batay sa impormasyong ibinahagi ng PDEA Airport Interdiction Unit, isinailalim sa pisikal na inspeksyon ang dalawang shipment matapos matukoy ang mga ito para sa karagdagang pagsusuri.

Ang unang kargamento, na nagmula sa Switzerland at nakalaan sa Mandaluyong City, ay may timbang na 9,882 gramo. Idineklara itong naglalaman ng roasted coffee beans, coffee machine at mga kagamitan sa paghahanda ng kape.

Samantala, ang ikalawang shipment ay nagmula sa Amsterdam at nakatakdang ipadala sa Montalban, Rizal. May timbang itong 10,007 gramo at idineklarang sodium bicarbonate cleaning powder.

Nasabat ang dalawang kargamento noong Oktubre 22, 2026, matapos madiskubre sa pisikal na pagsusuri ang mga substansiyang hinihinalang ilegal na droga.