-- Advertisements --

Nasawi ang siyam na kataong sakay ng isang Learjet 60 matapos itong bumagsak at sumabog sa isang residential area sa Palm Beach County, Florida, United States nitong Linggo, Nobyembre 1.

Kinumpirma ni US Transportation Secretary Sean Duffy na walang nakaligtas sa mga sakay ng pribadong eroplano.
Ayon sa Federal Aviation Administration (FAA), bandang alas-12:50 ng tanghali, lokal na oras, nang bumagsak ang Learjet sa lugar malapit sa Cresthaven, Florida.

Mula sa Austin-Bergstrom International Airport sa Texas ang eroplano at patungo sana sa North Eleuthera Airport sa Bahamas.

Nagliyab umano ang eroplano nang tumama ito sa lupa, na nag-iwan ng malaking hukay at kalat-kalat na mga debris sa paligid ng pinangyarihan.

Samantala, nasa 600 residente ng isang kalapit na mobile home community ang inilikas dahil sa pinsalang dulot ng pagbagsak ng eroplano.

Wala pang naiuulat na nasawi o nasugatan sa mga tao sa lupa, ayon sa mga opisyal.