-- Advertisements --

Pinuri ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla ang Chinese Ambassador to the Philippines na si Jing Quan kasunod ng kanilang personal na pagkikita sa 2026 ASEAN Chinese Business Leaders Summit.

Sa isang social media post ng Senador, nagpasalamat si Padilla sa Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. sa imbitasyon sa naturang pagtitipon, na nagbigay sa kaniya ng pagkakataong makausap nang personal ang kinatawan ng China.

Inilarawan ng senador si Jing bilang edukado, maginoo, at diretsong kausap, kasabay ng pagbibigay-diin sa kahalagahan ng harapang pag-uusap sa pagharap sa mga sensitibong usapin sa pagitan ng dalawang bansa.

Ayon kay Padilla, makatutulong ang personal na dayalogo upang maiwasan ang mga hindi pagkakaunawaan na maaaring magmula sa palitan ng mga pahayag na hindi nakatutulong sa pagkamit ng kapayapaan at kaunlaran.