Sinabi ni Senador Robin Padilla na wala pa siyang natatanggap na summons kaugnay ng imbestigasyon sa pag-alis ni Senador Ronald dela Rosa mula sa Senado noong madaling araw ng Mayo 14.
Ayon kay Padilla naghihintay pa rin siyang maimbitahan upang maipaliwanag ang kanyang panig kaugnay ng mga ulat na kasama niya si Dela Rosa nang umalis ito sa Senate premises.
Samantala, sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, na dapat umanong magpaliwanag si Padilla hinggil sa naging papel nito sa pag-alis ni Dela Rosa mula sa protective custody ng Senado sa gitna ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court laban sa senador.
Ayon kay Matibag, si Padilla umano ang “huling kasama” ni Dela Rosa bago ito umalis sa Senado.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni Padilla na wala siya sa ikalawang palapag ng Senado nang maganap ang pamamaril noong gabi ng Mayo 13.
Dagdag pa niya, bumaba lamang siya upang kumustahin ang ibang senador matapos marinig ang putukan bago bumalik muli kay Dela Rosa.
Matatandaan, nauna nang napaulat na wala na si Dela Rosa sa Senado at umalis pasado alas-2:00 ng madaling araw, Mayo 14.
Nauna nang inamin ni Padilla sa isang panayam na kanya ang sasakyang nakitang lumabas sa CCTV footage, ngunit hindi nito kinumpirma kung sakay doon si Dela Rosa.
Noong araw ng Lunes nang isailalim si Dela Rosa sa protective custody ng Senado matapos ang pagtatangkang arestuhin siya ng mga tauhan ng NBI sa bisa ng inisyung arrest warrant ng ICC.
















