-- Advertisements --

Kinondena ni Senator Robin Padilla ang umano’y marahas na ginawang aksyon ng China Coast Guard laban sa mga sundalong Pilipino sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (wps).

Sa isang pahayag, sinabi ni Padilla na hindi katanggap-tanggap ang umano’y pananakit sa isang miyembro ng Philippine Navy habang ginagampanan nito ang tungkulin sa loob ng karagatang sakop ng Pilipinas.

“Sobra na,” pahayag ni Padilla habang sinabing hindi na sapat ang patuloy na pagpipigil ng bansa kung patuloy namang tumitindi ang pananakot at agresibong ginagawa ng China Coast Guard.

Nanawagan din siya sa pamahalaan na gumawa ng mas matibay at kongkretong hakbang upang maprotektahan ang mga Pilipinong nagsisilbi sa WPS.

Giit pa ni Padilla, hindi siya pabor sa digmaan, ngunit hindi rin dapat ituring na kahinaan ang hangarin ng Pilipinas na mapanatili ang kapayapaan sa pinag-aagawang karagatan.

“Hindi ako sang-ayon sa digmaan. Ngunit hindi rin ako sang-ayon na ang paghahangad natin ng kapayapaan ay abusuhin at ituring na kahinaan. Sumusobra na ang China Coast Guard,” ani Padilla.

Matatandaang sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isang Pilipinong sundalo ang umano’y hinampas ng baton na gawa sa kahoy ng miyembro ng China Coast Guard na nagresulta sa pagkakasugat sa ulo.

Samantala, itinanggi ng China Coast Guard ang alegasyon at iginiit na ang mga tauhan umano ng Pilipinas ang unang gumamit ng mga sagwan bilang sandata para paluin sa kanilang mga tauhan.