Mariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pahayag ng China na “pinayagan” o “binigyan ng permiso” ng China Coast Guard (CCG) ang naganap na medical evacuation ng mga sugatang sundalong Pilipino mula sa Ayungin Shoal.
Sa opisyal na pahayag ng AFP ngayong Miyerkules, Hulyo 22, sinabi nito na ang matagumpay na operasyon noong Hulyo 21 ay isinagawa sa ilalim lamang ng awtoridad ng Pilipinas at bilang pagpapatupad ng ating karapatan sa soberanya sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Binigyang-diin ng AFP na hindi humihingi at hindi kailanman kakailanganin ng Pilipinas ang pahintulot mula sa alinmang dayuhang bansa upang magsagawa ng operasyon sa sarili nating teritoryo.
Tinawag din ng militar na isang “false narrative” o gawa-gawang kuwento ang pahayag ng CCG. Layunin lamang umano nito na ipakita ang iligal na awtoridad ng China sa lugar kahit na wala naman.
Ang Ayungin Shoal aniya ay pasok sa 200-nautical-mile EEZ ng Pilipinas, na malinaw na kinatigan ng 2016 Arbitral Award sa ilalim ng UNCLOS.
Inihayag din ng AFP na responsibilidad ng pamahalaan ang pagpapadala ng suplay at pagbibigay ng humanitarian care sa mga nakatalagang tauhan sa nakasadsad na barko, sabay giit na ang patuloy na presensiya, panghihimasok at panghaharass ng mga barko ng China sa lugar ang hindi makatarungan at taliwas sa international law.
Sa huli, hinimok ng AFP ang People’s Liberation Army – Navy, China Coast Guard at maritime militia na itigil ang kanilang mga iligal na aktibidad at igalang ang international law.
Mananatili naman aniyang hindi natitinag ang Sandatahang Lakas sa kanilang mandato na protektahan ang soberaniya at sovereign rights ng bansa at ipagpapatuloy ang mga lehitimong operasyon sa West Philippine Sea nang hindi humihingi ng pahintulot mula sa China o ibang dayuhang bansa.
Una rito, magkatuwang na isinagawa ng AFP at Philippine Coast Guard (PCG) ang paglikas sa dalawang sugatang sundalo ksunod ng marahas na insidente noong Hulyo 20.
Sa kabila ng claims ng China na naging makatao sila, iniulat ng PCG na aktwal na nakaranas ng pagharang at mapanganib na maniobra ang mga barko ng Pilipinas na BRP Melchora Aquino at BRP Malapascua mula sa mga rigid-hull inflatable boats (RHIBs) ng CCG habang isinasagawa ang operasyon.
















