Maglalabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng apat na labor advisories sa Nobyembre upang maprotektahan ang mga manggagawa laban sa matinding init na inaasahang dulot ng El Niño.
Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, kabilang sa mga pangunahing tututukan ang mga manggagawang madalas mabilad sa araw.
Isa sa mga planong hakbang ang pagbibigay ng kaukulang benepisyo sa pamamagitan ng Employees’ Compensation Commission (ECC) sa mga manggagawang magkasakit dahil sa matinding init habang ginagampanan ang kanilang trabaho. Saklaw nito ang mga kuwalipikadong manggagawa sa pribado at pampublikong sektor.
Sinasapinal din ng kagawaran ang mga panuntunang may kaugnayan sa heat index, kabilang ang posibleng pagsususpinde ng trabaho kapag umabot sa mapanganib na antas ang temperatura.
Kaugnay nito, makikipagpulong ang DOLE sa mga kumpanya, organisasyon at kinatawan ng delivery riders at platform drivers upang talakayin ang posibleng pagluluwag ng kanilang trabaho mula alas-dose ng tanghali hanggang alas-tres ng hapon, kung kailan matindi ang sikat ng araw.
Kasama rin sa mga planong advisory ang pagsusuot ng komportable ngunit disenteng damit sa trabaho at ang pagpapatupad ng staggered working hours o pagbabago sa oras ng pagpasok at pag-uwi ng mga manggagawa.
Tiniyak ni Tolentino na pagsisikapang mailabas ang apat na advisories sa Nobyembre. Umaasa rin ang kalihim na makikipagtulungan ang mga employer sa pagpapatupad ng mga hakbang para sa kaligtasan at kalusugan ng kanilang mga manggagawa.














