Kinuwestyon ng kilalang kritiko ng pamilya Duterte na si Atty. Jess Falcis ang desisyon ng House Prosecution panel na pag-withdraw sa dalawang impeachment article na dati nang naipresenta sa Senate Impeachment Court.
Ayon kay Atty. Falcis, hindi makatwiran ang ginawa ng House panel na pagkatapos nilang makapaglatag ng ebidensiya at testigo ay saka naman babawiin ang mga alegasyon.
Iginiit ng abogado na bagaman ayaw niya kay VP Sara Duterte at kay dating Pang. Rodrigo Duterte, hindi pa rin katanggap-tanggap ang naging hakbang ng prosecution dahil pinagkakaitan nila ng pagkakataon ang kampo ng respondent na sagutin sa tamang forum ang dalawang alegasyon na dating ibinabato sa kaniya.
Karapatan din aniya ng respondent na maipakita sa isang televised proceedings ang kanilang nalikom na ebidensiya – bagay na hindi dapat ipagkakait sa kanila – tulad ng pagkakatong ibinigay sa prosecution.
Binatikos din ni Falcis ang naging pahayag ng prosecution na maaari namang sumagot si VP Sara sa iba pang forum tulad ng mga press conference, o sa online platform.
Ang naturang pahayag aniya ay maituturing bilang ‘gaslighting’, at hindi katanggap-tanggap, kapwa sa loob ng korte o sa mga normal na talakayan.
Naninidigan ang abogado, na bagaman kakampi o pumapabor siya sa prosecution, hindi makatwirang hindi bigyan ang kampo ni VP Sara na sumagot sa kanilang mga alegasyon at mapakinggan ang anumang ihaharap na ebidensiya.













