Naniniwala si National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) President Atty. Ephraim B. Cortez na hindi nilabag ng Senate Impeachment Court ang right to privacy sa pagpapakita nito ng Bureau of Internal Revenue (BIR) records ni Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.
Aniya, batay sa probisyon ng confidentiality sa ilalim ng National Internal Revenue Code, hindi “absolutely confidential” ang mga rekord ni Duterte dahil siya ay isang pampublikong opisyal at pangalawa sa pinakamataas na posisyon sa bansa. Dagdag pa niya, ang ipapakita lamang ay ang mga table at summary, at hindi ang kabuuang detalye ng kaniyang tax records.
Inihayag din ng abogado na pwedeng isiwalat ang tax records kung ang mismong deklarasyon ng kita ng opisyal ang paksa ng imbestigasyon. Aniya, ang Impeachment Court ay may kapangyarihang tulad ng isang regular na hukuman dahil ang awtoridad nito ay nanggagaling mismo sa Saligang Batas. Dahil dito, maituturing itong isang legal na tribunal na may buong karapatang utusan ang BIR na maglabas ng mga kinakailangang buod ng rekord.
Binigyang-diin pa ni Cortez na sa lahat ng pampublikong rekord, ang ipinagbabawal lamang ay ang mga unauthorized disclosure. Kapag ang pagsisiwalat naman ay ginawa sa pamamagitan ng legal na proseso tulad ng pag-isyu ng subpoena ng impeachment court ito ay pinahihintulutan.
Iginiit din nito na karapatan ng publiko na makita ang mga rekord na ito, gayundin ng impeachment court na siyang pagbabasehan ng mga senator-judges sa kanilang magiging hatol kaugnay sa mga probisyon sa Articles of Impeachment.
ito na rin aniya ang tamang panahon para sa Bise Presidente upang ipakita ang mga dokumento, mapatunayan ang kaniyang sarili sa publiko, at harapin nang buong katotohanan ang mga alegasyon laban sa kaniya.
















