Dalawang manggagawa ang buhay na nasagip mula sa isang hydropower tunnel sa Nepal, siyam na araw matapos silang ma-trap kasunod ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa lugar.
Kinilala ang mga survivor na sina Sanjay Sah, isang mechanical foreman, at Kabir Maharjan, isang mechanical supervisor. Pareho silang natagpuan sa tunnel ng Upper Trishuli 3A Hydropower Station sa Rasuwa district nitong Biyernes.
Ayon sa mga awtoridad, narinig ng rescue team ang mga boses mula sa loob ng tunnel bago natukoy ang kinaroroonan ng dalawa. Agad silang inilabas at isinailalim sa medical treatment.
Ang pagkakaligtas sa dalawang indibidwal ay nagbigay ng panibagong pag-asa sa mga pamilya ng iba pang nawawala. Tinatayang nasa 900 manggagawa ang maaaring na-trap sa mga tunnel ng iba’t ibang hydropower projects sa bahagi ng Trishuli River matapos ang sakuna noong Agosto 26.
Patuloy ang search and rescue operation habang sinusubukan ng mga awtoridad na maabot ang iba pang mga tunnel na napuno ng putik, bato, at iba pang debris.
Ang sakuna ay dulot ng matinding pagbaha na sinundan ng pagguho ng glacier, bato at putik sa lugar. Libo-libo ang nasawi o nawawala sa Nepal kasunod ng kalamidad.
-- Advertisements --














