Bumwelta si Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte kay private prosecutor Atty. Lorna Kapunan matapos nitong maiugnay ang pamilya Duterte sa shooting incident sa Ateneo de Zamboanga University (AdZU) noong Martes, Agosto 18.
Sa isang pahayag, binanggit kasi ni Kapunan ang mga alegasyon tungkol sa umano’y pagkakaroon ng mga assassin na maaaring kunin sa halagang P5,000 at nagtanong kung nagiging bahagi na ba ng kultura ng bansa ang karahasan.
Dahil dito, sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Agosto 19, pinatigil ni Paolo Duterte si Kapunan sa umano’y pagpapakalat ng mga pahayag laban sa kaniyang pamilya.
“Tama na ang pagiging Marites ng impeachment,” ani Cong. Duterte.
Giit pa ng kongresista hindi dapat gamitin ang nangyaring pamamaril sa AdZU upang muling isingit ang mga alegasyon laban sa mga Duterte.
“Ang nangyari sa Ateneo de Zamboanga ay isang krimen na kailangang imbestigahan at panagutin ang mga responsable—not another episode ng impeachment propaganda,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Duterte na tungkulin ng mga abogado na magharap ng ebidensiya at hindi umano maghanap ng bagong isyu sa tuwing may nangyayaring trahedya.
Binatikos din niya ang Akbayan Party-list dahil sa mga pahayag nito laban kay Vice President Sara Duterte at sa panawagang pabilisin ang impeachment trial nito sa Senado.
















