Ipinahayag ng Iran nitong Linggo na determinado itong ipagtanggol ang pambansang soberanya matapos ang panibagong airstrikes ng Estados Unidos sa ilang pasilidad ng pagmamanman at surveillance sa timog baybayin ng bansa.
Sa opisyal na pahayag ng Iranian foreign ministry, mariing kinondena ang pag-atake ng tinawag nilang “teroristang hukbo ng US” at iginiit na ipagpapatuloy nila ang pagtatanggol sa kanilang teritoryo laban sa anumang pananalakay.
Samantala, nananatiling nakabitin ang marupok na tigil-putukan sa gitna ng digmaan sa Gitnang Silangan, habang patuloy na nagtuturuan ang Iran at Estados Unidos sa umano’y paglabag sa kasunduan.
Nagbabala rin si Foreign Minister Abbas Araghchi na anumang hamon sa control ng Iran sa Strait of Hormuz ay magdudulot ng mas matinding tensyon, lalo na’t may mga kasalukuyang negosasyon para sa kapayapaan.
Ayon sa kanya, ang anumang pagtatangkang magpatupad ng hiwalay na kasunduan na hindi alinsunod sa kasalukuyang memorandum of understanding ay magpapalala lamang ng sitwasyon at magdudulot ng pagkaantala sa muling pagbubukas ng estratehikong kipot.
Nanawagan si Araghchi sa lahat ng panig na manatiling tapat sa kasunduan at huwag hayaang lumihis ang proseso, kasabay ng panibagong palitan ng pag-atake sa nakalipas na dalawang gabi.
















